Saturday, August 16, 2008

JOLOGS by Gilbert Perez

Director: Gilbert G. Perez

May mga kabataan na kung tawagin ang kanilang mga sarili ay "jologs"�silang mga cool, liberated, at makatotoo sa sarili; may mga kakaibang pananaw at mga beliefs na handang panindigan at wala silang pakialam sa mundo. At narito ang ilan sa kanilang mga kuwento:

Si Ruben (John Prats), ang bastardong anak ng isang mayamang kongresista, ay tinanggalan ng scholarship nang malaman ng eskuwela na siya'y anak-mayaman. Nang di sapat ang binigay na tulong ng ama, tinangka niyang pagnakawan ito sa pangangatwiran na siya'y may karapatan sa kayamanan nito. Si Chona (Michelle Bayle) naman, makatapos kupkupin ni Mando (Diether Ocampo) nang siya'y umuwing buntis galing sa Japan, ay basta na lang iniwan ang isang taon niyang anak para bumalik sa Japan kung saan mas masarap ang buhay at mas madaling kumita.
Nandiyan din si Dino (Patrick Garcia), ang nagbabakasyong seminaristang umibig kay Fay (Jodi Sta. Maria). Kahit na gustong-gusto na ni Fay na ibigay ang sarili kay Dino, ay nagpigil siya hanggang nakita niya ang kaibigan nilang nagpakamatay. At naisip niya: "Kung ganoon palang kaigsi ang buhay, bakit di pa kami magpakaligaya?" Ano kaya ang kahihinatnan ng ganitong pag-iisip ng mga Jologs?

Base sa paniniwalang lahat ng buhay ng tao ay magkaka-ugnay, pinamalas ni Direk Gilbert Perez ang pananaw na ito sa isang ambisosyong pelikula na tumutuhog sa samu't samot na kuwento tungkol sa mga problema ng kabataan. Ayos ang direksiyon, mabilis ang pacing, at mahusay naman ang pagganap ng karamihan ng mga artista kabilang na ang ilang mga crush at pantasiya ng bayan. Ngunit sa dami ng gustong ipahiwatig ng pelikula at dami ng mga bidang artista na siyempre naman ay pinilit bigyan ng pantay na pansin, ay hindi maiiwasan na maging malabo ang daloy ng istorya.

Sa gitna ng aliw at tili ng mga tuwang-tuwang manonood, sana naman ay mapuna na ang mga paraan na ginamit ng mga bida sa paglutas ng kanilang mga problema ay hindi tama o makatwiran, sampu ng hindi mabuting naging bunga ng mga ito. Tulad ng pagnanakaw ni Ruben, ang pagtalikod sa responsibilidad ni Chona, ang maling paniniwala ni Fay na dahil maigsi ang buhay ay may karapatan na siyang magwala, at marami pang iba. At nang mahuli sina Dino at Fay sa kanilang pre-marital sex scene, natuwa pa nga ang ama ni Dino na ang bra at panting nadiskubre niya ay hindi pala sa anak na kinatatakutan niyang baka bakla, kungdi sa babaeng naging sex partner nito, na sa totoo lang, ay parehong hindi tama. At ang mabilisang "and they lived happily ever after" na pangwakas ay malayo sa katotohanan.

No comments: